Isang araw na lang Pasko na! Mamayang gabi ay Noche Buena! Abalang-abala na ang lahat sa paghahanda ng pagkain, mga regalo, at mga bagong damit na ipansisimba sa Misa de Gallo sa pagsalubong sa Pasko sa hatinggabi. Iyan ang karaniwang pananabik na nararanasan ng mga Pilipino sa bisperas ng Pasko.
Subalit sa Bulakan, bukod sa mga nabanggit na, ay may iba pang pinagkakaabalahan—isang tradisyong minana pa sa mga Bulakenyong ninuno, ito ay ang paghahanda ng Sumang Pasko.
Umaga pa lamang ng a-beinte kwatro ay may ilang mga kababaihan sa barangay na naglilibot sa mga bakuran at bahay- bahay upang maghanap at manghingi ng mga gamit at mga sangkap sa pagluluto ng Sumang Pasko. May pumuputol ng tunod o batang dahon ng saging, may nangangalap ng malagkit na bigas, may nagpapaakyat sa puno ng niyog, may nanghihingi ng asin, may pumipitas ng dahon ng kalumata, may nagsisibak ng panggatong, may nakatoka rin sa pangunguha ng ube at maraming iba pa.
Kapag nakalikom na sila ng mga rekado at mga gamit na kailangan ay magtitipon na sila sa isang lugar kung saan ay magtutulong- tulong sila sa paggawa ng suman. May nakatoka sa paghuhugas ng bigas, may maggagadgad ng niyog, may magbibilad sa dahon ng saging, may magsisindi ng kalan na paglalagyan ng kawa o malaking kawali, may magpipiga ng gata, may magtitimpla at maghahalo sa bigas, asin, gata, at kalumata. Habang niluluto sa malaking kawa ang malagkit ay walang patid itong hinahalo upang hindi dumikit sa kawa hanggang sa manuyo ang gata at mainin ang kaning malagkit.
Sunod namang pagtutulungan ay ang pabibilot ng kaning malagkit sa dahon ng saging. Metikulosong gagawin ang bawat isang pahabang suman na dapat ay pantay-pantay ang sukat. Umaabot sa maghapon ang pagbibilot ng libo-libong ginagawang suman para sa buong kapitbahayan. Ang ibang hindi nakasama sa pagbibilot ay sila namang tagapaypay sa mga pinapawisan at tagabugaw ng langaw. Mayroon ding ang aasikasuhin naman ay ang pagluluto ng malabnaw na halaya na siyang gagamiting sarsa.
Ang mga nabilot na suman ay pagbibigkis-bigkisin nang tigsasampung piraso at babalutan muli ng dahon ng saging. Ang mga ito naman ay pakukuluan nang may kalahating oras sa isang malaking kaldero. Pagkatapos nito ay luto na ang pinakaaabangang suman.
Ganito kami sa Bulakan. Maraming nagtutulong-tulungan para lamang makapagluto ng suman at sarsa ang pamayanan. Ang mas nakakabilib pa rito ay walang tumatanggap ng bayad. Lahat ay libreng nagkakaloob ng pwede nilang maitulong.
Kapag naluto na ang suman ay paghahatian ang mga ito ng lahat ng nagbigay ng kontribusyon, mula sa mga nag-ambag ng mga rekado at gamit, nagpagod sa pagluluto at pagbibilot, nagsibak ng kahoy o anuman ang naitulong. Kung may sumobra ay ipamimigay ito sa mga kapuspalad na kabarangay.
Lahat ay magkakaroon. Ang kasabihan nga ay bawal ang madamot kapag Pasko.
Dahil sa pagbibigayang ito ng magkakapitbahay ay lahat nagkakaroon ng Sumang Pasko sa Noche Buena. Hindi man lahat ay nakakayanan na makapaghanda ng hamon, lechon o morcon ngunit gayunpaman may Sumang Pasko na mapagsasaluhan. Kung kaya para sa maraming taga-Bulakan, ang kumukumpleto sa kanilang Noche Buena ay ang Sumang Pasko.
Bawat Bulakenyo ay ito ang paborito. Ang pinaghalong lasa ng alat ng suman at tamis ng sarsang halaya na may kasamang linamnam ng niyog at bango ng kalumata ay nakasanayang sarap tuwing Pasko mula pa sa sinaunang panahon na nagpapatuloy hanggang sa ngayon. ‘Yan ang Sumang Pasko na ipinagmamalaki ng Bulakan, Bulacan. Masarap na bahagi ng kaugaliang Bulakenyo tuwing Pasko. Patunay na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan tuwing Kapaskuhan dito sa Bulakan.