Mga Kuwentong Pagkain 2023 Grand Prize Winner: Pochero ng Aking Kabataan by Reynadel V. Cayetano

“Ano raw ang gusto mong ulam?”


Iyan ang tanong na paborito kong naririnig mula sa aking pamilya. Ilang araw bago mag-Pasko, kausap ko ang aking Ate Reylin sa telepono. Kahit pa inaasahan naman nila ang pagdalaw ko kasama ang mag-aama ko Palasan sa araw ng Kapaskuhan, minabuti ko na ring mag-abiso sa kanila na darating kami. Tumanda na ako— nakapag-asawa at naging ina sa dalawa, pero sa tuwing naririnig ko ang mga katagang iyan, tila ba bumalik ako sa pagkabata.


Ninamnam ko muna ang tunog ng paborito kong tanong ng mga ilang segundo, pero sa totoo lang, hindi ko naman na kailangan pang mag-isip, at alam na rin naman nila kung ano ang isasagot ko. Isa lang naman ang paborito kong putahe: Pocherong Liempo. ‘Yung bersyon ng nanay ko.


Ayon sa Taste Atlas, ang Pochero o Puchero ay isang kaluto mula sa Pilipinas na buhat mula sa orihinal na Puchero ng mga Kastila. Sa beryson na kinalakihan ko na madalas na ihanda ng aking ina at tiyahin, nilalahukan ito ng lechong kawali, bawang, sibuyas, patis, paminta, saba, patatas, kamote, repolyo, pechay, karot, Baguio beans, at tomato sauce. Malapot-lapot ang katas nito, at nag-aagaw ang alat, asim, at manamis-namis na lasa mula na rin sa saba, kamote, at tomato sauce.


Ayon sa kwento ng mga Bulakenyo, minsan daw nag-imbestiga si Milagros S. Enriquez, ang tanyag na mananalaysay at haligi ng kulinarya mula sa Malolos. Sa kanyang pananaliksik, nadiskubre niya na Pochero pala ang paboritong putahe ng bayani at Dakilang Propagandista na si Marcelo H. Del Pilar.


Hindi pala kami nagkakaiba. Pang-bayani rin pala ang panlasa ko!


Sa aming bayan, hindi pang-karaniwang ulam ang Pochero. Madalas itong hinahanda tuwing may espesyal na okasyon— tuwing Linggo, kapag may nagdiriwang ng kaarawan sa pamilya, sa tuwing may pista, sa Kapaskuhan o Bagong Taon. Matrabaho kasi itong lutuin. Sa aking buhay may-asawa, isang beses ko pa lang sinubukang magluto ng Pochero, at ginawa ko lang ito dahil kasagsagan ng pandemya at talaga namang hinahanap-hanap na ito ng panlasa ko. Nagawa ko naman ito nang tama sa tulong ng aking ina na nagbigay ng mga bilin mula sa telepono, pero inabot ako ng halos dalawang oras sa pagluluto.


Maraming hakbang sa paghahanda ng aming Pochero. Una, kailangang hiwain isa-isa ang mga sangkap na gulay, gayundin ang saging na saba na paborito ko. Ang liempo, kailangang pakuluan muna sa asin at paminta para manuot ang lasa bago lutuin at palutungin sa turbo cooker. Kapag nakahanda na ang mga gulay, saka naman ito gigisahin at titimplahin sa tomato sauce na may kaunting tubig. Lumaki akong inoobserbahan kung paanong laging sinisinop ang mga sangkap, gaya na lang ng bawat patak ng tomato sauce. Imbis na maglagay sa baso ng tubig na ilalagay sa lutuin, sinasalin ito sa mismong pakete ng tomato sauce para masimot ang laman nito nang husto bago itapon ang lalagyan. At dahil mahilig ang mga taga-Bulacan sa mga ulam na manamis-namis, syempre hindi mawawala ang pagtitimpla rito ng asukal, bukod sa asin at paminta. Sa bersyon na aking nakasanayan, idadagdag lang ang karne sa sarsa kapag ito ay ihahain na para manatili itong malutong na parang Bagnet.


Sa amoy at tingin pa lang, matatakam ka na talaga sa espesyal na ulam na ito. Pinakulay ng iba’t ibang klaseng gulay na tamang-tama lang ang pagkakaluto at pina-ibabawan ng malasa at malutong na liempo, iba ang hatid na kaligayahan ng bawat subo ng Pochero ng aking kabataan kasabay ng bagong-saing na kanin.


Tuwing umuuwi ako sa aming tahanan at lumalasap ng mga lutong-bahay ng aking ina, ng mga ulam na bumuo sa kamalayan ko at nagbigay-sigla at kalusugan sa akin noon, nanunumbalik sa akin ang masasayang ala-ala ng pagsasalu-salo namin bilang isang pamilya— noong mga panahon na kami pa ang inaaruga at hindi pa kami ang mga tagapag-alaga. Ganitong mga ala-ala ang masarap namnamin kahit pa ilang taon na ang nakalipas.

Wala pa rin talagang tatalo sa kapangyarihan ng pagkain na makapagparamdam at makapagpaalala.


“Sabi ko na nga ba eh,” sagot ng Ate Reylin matapos kong sabihin sa kanya nang may kilig na Pochero ang gusto kong tanghalian kapag umuwi kami sa Pasko. “Bakit ba nagtanong pa ako!”